Home NATIONWIDE 750MT bigas idinonate ng SoKor sa mga rehiyon sa Pinas na sapul...

750MT bigas idinonate ng SoKor sa mga rehiyon sa Pinas na sapul ng sakuna

MANILA – Nag-donate ang South Korea ng 750 metric tons ng bigas sa gobyerno ng Pilipinas para suportahan ang ilang lugar sa bansa na dati nang naapektuhan ng mga kalamidad, sinabi ng Korean Embassy sa Maynila nitong Miyerkules.

Ibinigay ni Embassy Deputy Chief Minister Sang Seung Man ang mga sako ng bigas sa National Food Authority (NFA) bilang bahagi ng grant aid nito sa ilalim ng Tier 3 Program ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR).

Sinabi ng embahada na ihahatid ang mga ito sa mga rehiyon ng Eastern Visayas gayundin sa Davao at Soccsksargen sa Mindanao na kamakailang naapektuhan ng pagbaha at lindol.

“Ito ay isang pagpapahayag ng aming pasya na higit pang pahusayin ang pakikiisa sa ASEAN na isang sentral na haligi ng Indo-Pacific Strategy ng Korea,” sabi ni Sang.

“Ang bigas na ipapamigay ngayon ay magbibigay ng mahalagang kabuhayan sa mga pamilya na sa kasamaang-palad na naapektuhan ng kamakailang pagbaha at pagguho ng lupa sa Rehiyon 8, gayundin ng mga serye ng lindol sa Rehiyon 11 at 12,” dagdag niya.

Ang APTERR ay nagsisilbing mekanismo ng kooperasyong panrehiyon sa pagitan ng ASEAN, Korea, Japan at China upang tulungan ang mga miyembrong estado ng bloke na magtatag ng reserba ng bigas sa panahon ng kakulangan sa pagkain o kalamidad.

“Sa hinaharap, ang Korea ay nananatiling matatag sa kanyang desisyon na gumawa ng mas malaking kontribusyon sa Pilipinas sa larangan ng agrikultura, kabilang ang patuloy na donasyon ng bigas,” sabi ni Sang, at idinagdag na ang agrikultura ay isa sa limang prayoridad na lugar ng Korea para sa opisyal na tulong sa pag-unlad sa bansa.

Ang tulong ay kasabay ng ika-75 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Pilipinas at South Korea na ipinagdiriwang noong Marso 3 ngayong taon.

Idinaos ang handover ceremony sa Calbayog City, Samar kasama si NFA Administrator Roderico Bioco, mga opisyal mula sa Department of Social Welfare and Development at Department of Agriculture, at iba pa. RNT

Previous articleSurot umatake sa NAIA!
Next articleTaiwan nagdonate ng P11.2M sa Davao na binayo ng sakuna