Home HOME BANNER STORY 76.6% consolidation rate, nakuha ng gobyerno sa PUV modernization

76.6% consolidation rate, nakuha ng gobyerno sa PUV modernization

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na 76.6% consolidation rate ang nakuha ng gobyerno para sa jeepney bilang bahagi ng Public Utility Vehicle modernization program (PUVMP).

Sa idinaos na press briefing sa Palasyo ng Malakanyang kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Metropolitan Manila Development Authority, ang nasabing pigura ay batay sa pinakabagong data ng LTFRB.

Nauna rito, umapela ang Office of Transportation Cooperatives sa mga PUV operators at drivers na nabigo na mag-consolidate bago ang deadline na itigil na ang pag-byahe sa kanilang ruta simula Pebrero 1 para maiwasan ang anumang gusot sa mga manghuhuling awtoridad.

Sa kabilang ako, magpapatuloy naman ang ibang phase ng PUVMP gaya ng plano sa kabila ng kilos-protesta o transport strike na isasagawa ng ilang transport groups.

Sa isang panayam, sinabi ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na simula pa noong 2017 ay may blueprint na ang gobyerno para sa PUVMP, at implementasyon nito ay mahalaga lalo pa’t ang pagsusumite ng aplikasyon para sa PUV operators para mag-consolidate ay nagtapos na.

“We remain firm with our stand na tapos na po ang consolidation and we will proceed with the other phases ng modernization. This is a 10-phased program na nagsisimula sa consolidation. ‘Yung pangalawa will be the operationalization,” ayon kay Guadiz.

“Matagal pa naman ang sinasabi nilang phaseout. Ang hinihiling lang namin ay bilang panimula ay bumuo sila ng mga asosasyon para maayos natin ang sistema ng pampublikong sasakyan sa Pilipinas,” dagdag na wika nito.

Sa ulat, nakatakdang magsagawa ng nationwide transport protest ang grupong MANIBELA bukas, araw ng Martes, Enero 16, para muling ipanawagan ang pagbasura sa Public Utility Vehicle Modernization Program.

Inaasahang aabot sa 10,000 hanggang 15,000 ang lalahok sa protesta — paglilinaw ng grupo, hindi ito strike — sa Metro Manila pa lang, sabi ni Mar Valbuena, chairperson ng Manibela.

“Gusto pa rin nating ipanawagan sa pangulo na ibalik ang na-revoke na prangkisa ng ating mga kasamahan,” ayon kay Valbuena.

“Lalo na sa hanay ng mga operators na makapagpatuloy pa rin sa ating hanapbuhay dahil kawalan ng pagkakakitaang dulot nito sa mga driver at operators at kawalan ng masasakyan ng taong bayan,” aniya pa rin.

Sinasabing, sisimulan ng grupo ang protesta sa UP Diliman bandang alas-10 ng umaga at magka-caravan papuntang Welcome Rotonda, saka magmamartsa papuntang Mendiola, Maynila.

Maliban aniya sa mga driver at operator, lalahok din sa protesta ang mga commuter at mga estudyante.

Sa bilang ng grupo, nasa 30,000 units sa NCR ang hindi pa nakapag- consolidate. Isa sa unang hakbang ang consolidation sa pagpapatupad ng PUV modernization program.

Samantala, umaasa naman ang grupo na kakatigan ng Korte Suprema ang petisyon para sa temporary restraining order laban sa naturang programa. Kris Jose

Previous articleDebosyon sa Sto. Niño idiniin ni Tolentino sa Sinulog sa Cebu
Next articleNCMF chairman sinuspinde ni PBBM sa isyu sa Hajj services