MANILA, Philippines – Mahigit 78 milyong Filipino na ang nakapagparehistro sa National ID, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Martes, Mayo 23.
“Sa buong bansa, nakapag-rehistro na tayo ng 78.9 million,” ani Fred Sollesta, officer in charge at Deputy National Statistician na nakatalaga sa PhilSys Registry Office.
“When I say total credentials na na-issue na sa citizens na pwede na talaga nila magamit sa mga transaction, mga around 65 million na. Combination ito ng physical ID na pini-print sa (Bangko Sentral ng Pilipinas), mga 31.4 million, tapos yung ePhilID natin na 33.8 million,” dagdag pa niya.
Ani Sollesta, umaasa silang matatapos ngayong taon ang pag-imprenta sa physical national ID cards.
“It will happen this year kasi mauubos na namin yung pag-generate ng (PhilSys number) PSN, around siguro mga middle ng June, and then ira-ramp up namin muna yung distribution ng e-PhilID,” paliwanag ng opisyal.
Sinabi rin niya na patuloy silang nakikipag-tulungan sa BSP at Philippine Postal Corporation (PhilPost) upang masiguro ang tuloy-tuloy na produksyon ng mga card at mabilis na paghahatid ng mga ito.
Sa pinakahuling ulat, nasa 23.9 milyong physical ID na ang naihatid sa mga may-ari nito. RNT/JGC