Home METRO 8-anyos utas sa hit and run, 3 pang kaanak kritikal

8-anyos utas sa hit and run, 3 pang kaanak kritikal

ECHAGUE, Isabela – Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang walong taong gulang na bata matapos na mabiktima ng hit-and-run sakay ng isang Rusi Macho 125 single motorcycle sa Brgy. San Juan, Echague, Isabela.

Kinilala ang mga biktima na sina Richard Estoce, 31 anyos at residente ng Pangal Norte, Echague, Isabela at mga angkas na si Daisy Batag, 30 anyos; Xiaxie Estoce, 3-anyos at Angelo Rian Estoce, 8 anyos.

Habang hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sakay ng dark blue Toyota Corolla na walang plaka.

Magkasalungat na binabaybay ng motorsiklo at kotse ang lansangan kung saan patungo sa silangang direksyon ang minamaneho ni Estoce habang ang Toyota Corolla ay patungo naman sa kanlurang direksyon.

Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente, nang mag-overtake ang Corolla ay nahagip nito ang motorsiklo sakay ang nasabing mga biktima.

Bilang resulta, bumagsak sa kalsada ang motorsiklo at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga sakay habang mabilis na umalis palayo ang suspek sa hindi mabatid na direksyon.

Mabilis namang isinugod ng mga kaanak ang mga biktima sa Southern Isabela Medical Center ngunit idineklarang patay sa pagamutan ang biktimang si Angelo Rian Estoce ng kanyang attending physician.

Nakatakdang sasailalim sa operasyon ang nakatatandang Estoce matapos na magtamo ng bali sa katawan habang nananatili sa pagamutan si Batag at naiuwi ng ligtas ang tatlong taong gulang na bata.

Sa ngayon ay inaalam ng pulisya ang mga posibleng kuha ng CCTV para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at sasakyan na ginamit sa krimen. Rey Velasco

Previous articleSenado napag-iwanan ng Kamara sa pagpasa ng priority bills- Dalipe
Next articleIka-123 taong anibersaryo ng MPD ipinagdiwang