MANILA, Philippines – Karamihan sa mga Filipino ang may tiwala pa rin sa Philippine National Police (PNP), ito ay ayon sa 2023 first-quarter survey ng independent group na OCTA Research.
Batay sa Tugon ng Masa survey na isinagawa ng OCTA mula Marso 24 hanggang 28, walo sa 10 Filipino o 80% sa buong bansa ang nagsabing patuloy silang nagtitiwala sa PNP, habang 5% lamang ang nagsabing hindi sila nagtitiwala sa organisasyong ito, at 15% ang nagsabing sila ay “ambivalent over the trustworthiness of the police force.”
Lumabas sa survey na ang mga respondents mula Visayas at Mindanao ang mas nagtitiwala sa PNP sa 89% habang 67% lamang sa National Capital Region (NCR).
Ang nasa age group na 25 hanggang 44 ang may pinakamataas namang trust rating sa PNP sa 86%, sinundan ng mga senior edad 75 pataas sa 56%, 55 to 64 sa 10% at edad 18 hanggang 24 sa 9%.
Samantala, mas nagtitiwala ang mga Pinoy na naninirahan sa rural areas sa 85%, kumpara sa mga nasa siyudad sa 72%.
Walo rin sa 10 Filipino, o 79% ang nagsabing satisfied naman sila sa ginagawa ng PNP, habang 6% lamang ang nagsabing hindi sila aprub sa ginagawa ng ahensya.
Nasa 15% naman ang hindi pa sigurado.
Siyam sa 10 sa Visayas at Mindanao respondents o 87% ang nagsabing sila ay satisfied sa performance ng PNP at 65% sa NCR.
Nakakita naman ng improvement pagdating sa pagpapatupad ng peace and order ng PNP ang 41% ng mga respondent, at 9% ang nagsabing lumala pa nga.
Bilang pagpapatuloy, 48% ang nagsabing walang nagbago sa performance ng PNP pagdating sa peace and order.
Idinagdag pa ng OCTA na 41% ang nagsabing ang tugon ng PNP sa kriminalidad ay bumuti, habang 8% ang nagsabing lumala pa, at 4% ang nagsabing hindi ito nagbago.
Ang survey ay isinagawa mula Marso 24 hanggang 28 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adults nationwide. RNT/JGC