MANILA, Philippines – Walo ang nasugatan habang 100 kabahayan ang natupok ng apoy sa sunog na lumamon sa dikit-dikit na bahay sa Las Piñas City Lunes ng hapon, Mayo 15.
Ayon sa report ni Las Piñas City fire marshal Supt. Melchor Isidro ng Bureau Fire Protection (BFP), apat na kalalakihan at apat rin na kababaihan ang mga naiulat na sugatan sa naturang insidente ng sunog.
Ang mga biktima ay nakaranas ng pagkahilo, paninikip ng dibdib, hirap ng paghinga at nagtamo ng sugat na agad namang nabigyan ng lunas at panggagamot.
Sinabi ni Isidro na nagsimula ang sunog sa bahay na nakatirik sa Block 3 Lot 16, Durian St., Golden Acres, Annex, Talon Uno, Las Piñas dakong alas-3:12 ng hapon.
Mabilis na kumalat ang apoy sa Durian Street patungo sa Guyabano at Talisay Streets dahil ang magkakadikit na nakatayong bahay ay mga gawa lamang sa light materials.
Sa laki ng apoy ay itinaas ang alarma sa Task Force Alpha dakong alas-4:34 ng hapon.
Naging pahirapan sa mga rumespondeng bumbero ang pag-apula sa sunog dahil sa makikipot na daan sa lugar kung saan umabot sa 50 fire trucks ang rumesponde para maapula ang apoy.
Naideklara ang fire under control ng 6:26 ng gabi, habang ang fire out naman ay idineklara dakong alas 8:58 ng gabi.
Karamihan sa mga nabiktima ng sunog ay mga walang naisalbang gamit sa kanilang bahay kung saan ang mga ito ay kasalukuyang nanunuluyan ng pansamantala sa covered court na matatagpuan sa Aratiles Street, Talon Singko, sa lungsod.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang malaman ang pinagmulan ng sunog pati na rin ang halaga ng ari-ariang tinupok ng apoy. James I. Catapusan