Home HOME BANNER STORY 8 sundalo sugatan sa agresibong aksyon ng Tsina

8 sundalo sugatan sa agresibong aksyon ng Tsina

MANILA, Philippines- Walong sundalo kabilang ang isang naputulan ng daliri ang sugatan at inagawan ng kanilang armas sa agresibong aksyon ng Tsina laban sa mga Filipino personnel na nagsasagawa ng rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal noong Lunes, Hunyo 17, ayon sa ulat, batay umano sa isang mapagkakatiwalaang source.

Bukod dito, nabutas din ang kanilang rigid hull inflatable boat (RHIB) at sa sinabi ng isa pang source,  apat na Philippine RHIBs ang kinuha ng China ngunit ibinigay din kalaunan matapos ang negosasyon.

Sa parehong ulat, inihayag na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nag-deploy ng anim na sasakyang pandagat mula s iba’t ibang entry points para sa resupply mission ngunit hindi nakarating sa Ayungin Shoal dahil sa agresibong aksyon ng China.

“This is a different approach by the new Western Command which triggered China,” ayon pa sa source.

Nauna nang sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na ang resupply mission ay puro military operation.

Kalaunan ay tinawag ang PCG na magsagawa ng medical evacuation sa mga nasugatang military personnel.

Sinabi sa ulat ng China state-run news website Global Times na sumakay ang mga tauhan ng China sa barko ng Pilipinas na pumasok sa Re ‘nai Reef—ang tawag ng Beijing  sa Ayungin Shoal—bilang bahagi ng pagpapatupad ng bagong panuntunan nito laban sa dayuhang trespassers sa South China Sea.

Samantala, sinabi ng AFP na hindi nito bibigyan ng dignidad ang “misleading” claim ng China. Jocelyn Tabangcura-Domenden