Home HOME BANNER STORY 80 probinsya masasapul ng El Niño

80 probinsya masasapul ng El Niño

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Task Force El Niño nitong Miyerkoles, Pebrero 28, na nasa 80 probinsya ang maaaring makaranas ng masamang epekto ng weather phenomenon, kung saan dalawang lalawigan lamang sa bansa ang maswerteng hindi masasapul.

Sa pinakahuling update ni Task Force El Niño spokesperson, Communications Assistant Secretary Joey Villarama na umakyat na sa 51 mula sa dating 41 ang mga lalawigang sapul ng El Niño.

“Tataas pa iyan to 73 and then aabot ng 80 bago bumaba ulit sa 50 plus. So, sinabi natin na effects of strong and mature El Niño is magpe-persist until May to June, so tingnan natin kung ano po ‘yung puwede pang gawin,” ani Villarama.

“Pero sa ngayon ay sapat na po ang paghahanda ng mga ahensiya para ma-avert at maabatan po ang iyong posibleng magiging epekto sa water resources, sa food supply, pati na rin po sa enerhiya at saka sa kalusugan.”

Ang Metro Manila at 24 na lalawigan ay maaaring makaranas ng tagtuyot sa katapusan ng Marso, batay sa pagtataya ng gobyerno.

Ang mga lalawigan ay Abra, Apayo, Aurora, Bataan, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, La Union, Mountain Province, Negros Occidental, Negros Oriental, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Occidental Mindoro, Palawan, Pangasinan, Quirino, Rizal, at Zambales.

May kabuuang 27 probinsya ang inaasahang mapapailalim sa dry spell, habang 21 probinsya naman ang maaring makaranas ng dry condition.

Habang ang dry spell ay maaaring maramdaman sa Antique, Batangas, Biliran, Bohol, Bulacan, Camiguin, Capiz, Cebu, Eastern Samar, Guimaras, Iloilo, Laguna, Lanao del Norte, Leyte, Masbate, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Oriental Mindoro, Samar, Siquijor, Southern Leyte, Sulu, Tarlac, Tawi-tawi, Zamboanga de Norte, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay.

Inaasahan ang dry condition sa Aklan, Albay, Basilan, Davao del Sur, Davao Occidental, Dinagat Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Lanao del Sur, Maguindanao, Marinduque, North Cotabato, Northern Samar, Pampanga, Quezon, Romblon, Sarangani , Sorsogon, South Cotabato, at Sultan Kudarat.

Napansin din ni Villarama na nasa 6,600 ektarya ng lupang pang-agrikultura ang nasira dahil sa El Niño.

Gayunpaman, sinabi niya na ang pinsala sa agrikultura ay magiging minimal, kung isasaalang-alang na ang National Irrigation Administration ay inaasahang maaapektuhan ng El Niño ang humigit-kumulang 275,000 ektarya ng lupang pang-agrikultura. Santi Celario

Previous articleP90M combined lotto jackpot ‘di naiuwi
Next articleP76M kush nasabat sa balikbayan box