Home NATIONWIDE 81K pamilya apektado ng shear line, LPA – NDRRMC

81K pamilya apektado ng shear line, LPA – NDRRMC

MANILA, Philippines – Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules, Nobyembre 22 na nasa kabuuang 81,050 pamilya ang apektado ng umiiral na shear line at low pressure area.

Sa pinakahuling disaster bulletin, sinabi ng ahensya na ang bilang ay katumbas ng 307,087 indibidwal mula sa 503 barangay sa limang rehiyon, ang Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas at Caraga.

Nasa 3,670 pamilya o 5,831 indibidwal ang tumutuloy sa 104 evacuation centers at ang 9,080 pamilya o 37,834 katao ay naninirahan sa ibang lugar.

Samantala, iniulat din ng NDRRMC na may 31 tirahan ang nasira sa Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas.

Sa ulat ng PAGASA, aabot sa 100 hanggang 200 mm ng ulan ang inaasahang bubuhos pa sa mga probinsya ng Albay, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Biliran, Northern Samar at Eastern Samar hanggang Miyerkules ng gabi.

Samantala, makararanas naman ng 50 hanggang 100 mm ng ulan ang Bicol, Mimaropa, southern portion ng Quezon, Aklan, Capiz at Northern Samar mula Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng gabi.

Habang ang mga probinsya ng Cagayan, Isabela, Aurora at Quezon ay tatanggap ng 50 hanggang 100mm ng ulan mula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng gabi. RNT/JGC

Previous articlePaglobo ng HIV sa tinedyer, ikinabahala ni Bong Go
Next articleKris, nakipag-break muli kay Marc!