MANILA, Philippines – Humigit-kumulang 84,300 katao ang bumisita sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) para magbigay galang sa mga bayaning Pilipino na inilibing doon, sa pagdaraos ng “Undas” mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) public affairs office chief, Col. Xerxes Trinidad na ang pagbuhos ng mga pagbisita sa LNMB ay isang patunay ng walang-hanggang diwa ng pagiging makabayan at pasasalamat sa mga naglingkod sa bayan nang may hindi natitinag na dedikasyon.
Ang mga pagdalaw na ito, aniya, ay nagbigay din ng pagkakataon para sa kanila na pagnilayan ang mga sakripisyong ginawa at mag-alay ng kanilang taos-pusong pagpupugay.
Samantala, sinabi naman ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., na naging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ngayong taon ng “Undas”.
Pinuri niya ang Philippine National Police (PNP) at ang local government units (LGUs) sa pagtiyak sa kaligtasan ng publiko sa buong bansa sa pagdaraos ng “Undas”, kasunod ng Barangay at Sangguniang Kabaatan Elections (BSKE).
Sinabi ni Abalos na humigit-kumulang 3 milyong tao ang dumagsa sa iba’t ibang sementeryo sa buong bansa noong Nobyembre 1 at 2, ngunit walang malubhang hindi kanais-nais na insidente ang naiulat sa taunang pagdiriwang. RNT