MANILA, Philippines- Dumating na ang pinakabagong batch ng overseas Filipino workers mula Israel sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Biyernes ng hapon.
Ayon sa post ng Department of Migrant Workers, binubuo ang grupo ng 32 OFWs, walong hotel workers at 24 caregivers, at isang sanggol.
Personal na binati ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac ang repatriates.
Sila ang ika-walong batch ng repatriates galing sa Israel, na nagdala sa kabuuang bilang ng OFWs na ligtas na nakauwi sa bansa sa 256.
Samantala, pinoproseso rin ng DMW ang dokumento para sa 150 pang Pilipino mula Lebanon at naghahanda para sa pag-uwi ng tatlong repatriates.
“Kasi nga… it takes a little longer in Lebanon due to the immigration concerns of some of our kababayans there,” ayon kay Cacdac.
Nananatili ang Israel sa ilalim ng Alert Level 2, na naglilimita sa deployment ng bagong OFWs sa bansa, restriksyon sa non-essential movements, pag-iwas sa places of protest, at paghahanda para sa posibleng paglikas, kasunod ng Hamas attacks noong October 7. RNT/SA