Home HOME BANNER STORY 9 ‘miyembro’ ng Dawlah Islamiyah-Maute group patay sa engkwentro

9 ‘miyembro’ ng Dawlah Islamiyah-Maute group patay sa engkwentro

MANILA, Philippines- Patay ang siyam na hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute terrorist group habang sugatan ang apat na sundalo sa dalawang oras na bakbakan nitong Huwebes ng hapon sa Barangay Tapurog sa Piagapo, Lanao del Sur, ayon sa military official nitong Biyernes.

Nakaengkwentro ng tropa ng 103rd Infantry Brigade, 1st Infantry Division ng Philippine Army ang halos 15 hinihinalang terorista sa pamumuno ni alyas Mahater kasama sina alyas Engineer, alyas Omar at alyas Khatab, na nasa likod umano ng pagbomba sa Mindanao State University noong December 3, 2023 na kumitil sa apat na indibidwal.

Kinilala ang mga napaslang na suspek na sina alyas Omar, alyas Mikdad, alyas Imam, alyas Abdullah, alyas Muhajeer, alyas Hamza, alyas Mauwiyah, alyas Mohaimen at isa pang hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.

Sinabi ni Brig. Gen. Yegor Rey Baroquillo Jr., commander ng 103rd Infantry Brigade, na naganap ang sagupaan sa operasyong inilunsad ng 7th Company ng 3rd Scout Ranger Battalion upang tugisin ang mga suspek.

“The troops also recovered eight assorted high-powered firearms,” wika ni Baroquillo.

Dinala naman ang mga sugatang sundalo sa kalapit na ospital.

Ani Baroquillo ang mga bayan sa Lanao del Norte na Pantao Ragat, Poona Piagapo at Munai, na malapit sa Lanao del Sur, ay kasalukuyang nasa ilalim ng operational control ng 103rd Infantry Brigade hanggang Marso ng kasalukuyang taon.

Inilagay naman ang Lanao del Norte at Lanao del Sur at mga karatig-lugar sa heightened red alert kasunod ng engkwentro.

Naglagay din ng ilang checkpoints sa kahabaan ng national highway sa mga bayan ng Linamon, Barangay Inudaran ng Kauswagan, Bacolod at Maigo, pawang sa Lanao del Norte, upang matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan. RNT/SA

Previous articleRoad reblocking sa EDSA gugulong ‘gang Lunes
Next articlePBBM sa energy players: Maaasahang suplay ng kuryente sa lahat ng oras tiyakin