Home NATIONWIDE 9 nasagip sa lumubog na bangka sa Batangas

9 nasagip sa lumubog na bangka sa Batangas

MANILA, Philippines – Siyam na crew members ng isang motorized banca ang nasagip matapos na lumubog ang kanilang sinasakyan sa Tayabas Bay sa San Juan, Batangas nitong Biyernes, Disyembre 22.

Nitong Sabado, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG)-District Southern Tagalog na ang bangkang “Hasta Lavista” ay nagtamo ng pinsala matapos bayuhin ng malalakas na alon bandang alas-10 ng gabi sa dagat na sakop ng Barangay Laiya.

Dahil dito, nagdesisyon ang skipper ng bangka na abandonahin ang bangka na halos kalahati nang nakalubog.

Agad na nagtungo ang mga tauhan ng PCG at mga crew ng MV Ocean Dependable, isang Danish-flagged vessel, para sagipin ang siyam na crew members. Lahat ng mga ito ay nasa ligtas na kondisyon.

Dinala na sa PCG station, Lobo, Batangas ang mga nasagip na mga crew.

Inalerto naman ng PCG ang lahat ng bangka at barko na dadaan sa lugar sa half-submerged boat.

Sa ulat, ang 35-ton na bangka ay bagong bili at ginagamit para sa mga pasahero.

Umalis ito ng Dinagat Island sa Surigao del Norte noong Disyembre 20 at naglalayag patungong Calatagan, Batangas. RNT/JGC

Previous articleLider ng Kapa makukulong habambuhay – SEC
Next articleUPDATE: Fireworks-related injuries, sumampa na sa 8