MANILA, Philippines- Nakatanggap ang Philippine Coast Guard (PCG) ng siyam na Rigid Hull Inflatable Boats (RHIBs) mula sa PCG Auxiliary (PCGA) sa National Headquarters, Port Area, Manila, ngayong Marso 7.
(Larawan kuha ni Crismon Heramis)
Kabilang sa donasyon ang limang units ng single-engine RHIB, na nagkakahalaga ng P4 milyon bawat isa.
Dalawa sa unit na ito ay gagamitin para dagdagan ang mga asset ng Coast Guard Sub-Station CCP-Manila at Coast Guard Sub-Station Olongapo.
Hindi pa tukoy ng Command ang tatlo pang sub-station na tatanggap ng natitirang single-engine RHIBs.
(Larawan kuha ni Crismon Heramis)
Samantala, ang apat na twin-engine RHIBs na nagkakahalaga ng P6 milyong bawat isa ay ihahatid sa Coast Guard Districts sa Southeastern Mindanao, Western Visayas, Northern Mindanao, at Southern Tagalog.
Ipinahayag ni PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, ang kanyang lubos na pasasalamat sa PCGA sa kanilang walang sawang suporta sa Coast Guard sa pagsasagawa ng maritime search and rescue, maritime incident response, humanitarian assistance, at disaster response operations.
Nakiisa si PCGA National Director, Auxiliary Vice Admiral Manuel Luis Idquival at Auxiliary Rear Admiral Ernesto Echauz kay CG Admiral Abu sa pagpirma sa deed of donation at blessing ng siyam na RHIBs. Jocelyn Tabangcura-Domenden