MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Department of Health ng siyam na pagkamatay na direktang nauugnay sa pagbibigay ng mga bakuna sa COVID-19, na ang kalahati ay sanhi ng biglaan at severe allergic reaction.
Sinabi ni Dr. Alethea De Guzman, hepe ng epidemiology bureau ng DOH, sa House Committee on Public Order and Safety noong Martes na ang mga pagkamatay ay naitala sa mahigit 78 milyong katao na nabakunahan laban sa COVID-19.
Iniimbestigahan ang sobrang pagkamatay na naitala umano sa Pilipinas noong 2021 base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni DOH Assistant Secretary Beverly Lorraine Ho na ang screening para sa allergies ay bahagi ng pagsusuri na pinagdaanan ng lahat ng tao bago makakuha ng bakuna sa COVID-19.
Ayon pa kay Ho, mayroon ding mga medical kits sa mga lugar ng pagbabakuna para sa mga taong magkakaroon ng masamang reaksyon sa mga jab.
Dagdag pa ni Ho na kalahati sa pagkamatay ay anaphylactic reactions, ibig sabihin na ito ay mga severe at biglang allergic reactions sa bakuna.
Base sa datos mula sa Food and Drug Administration (FDA) , 78.4 milyong tao ang fully vaccinated laban sa COVID-19 hanggang noong Marso 31,2023. Higit 23 milyon naman ang nakatanggap ng booster shots.
Nakapagtala din ang FDA ng 112,450 katao na nagkaroon ng pinaghihinalaang masamang reaksyon sa mga bakuna sa COVID-19 kung saan 10,643 ang itinuring na seryoso.
Samantala, sinabi ni Ho na itinigil na ng gobyerno ang pagbibigay ng COVID-19 vaccines kahit na may stock pa dahil nag-expire na ang kanilang permit.
Gayunman, ang emergency use authorization aniya para sa mga bakuna ay may bisa pa rin upang ang mga ito ay mabili ng pribadong sektor.
Sinabi ni Ho na natapos ang COVID-19 vaccination program ng gobyerno noong Agosto, gamit ang mga bakuna na donasyon ng Lithuania.
“Because the vaccines are expiring or have expired and (we) have not gotten extension permits, then technically, no one can vaccinate anyone using those vaccines at this time,” paliwanag ni DOH official. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)