Home NATIONWIDE DPWH, MMDA binatikos ni Escudero sa pagbaha: ‘Nasaan bilyong pondo sa flood...

DPWH, MMDA binatikos ni Escudero sa pagbaha: ‘Nasaan bilyong pondo sa flood control’

163
0

MANILA, Philippines- Matinding pinalagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pagbaha sa buong Metro Manila at karatig-bayan dulot ng pagbayo ng bagyong Carina kasama ang habagat na nagpalubog sa naturang lugar.

Sa kanyang Facebook account, hinanap ni Escudero ang bilyong halaga ng pondong inilaan sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tila hindi nagamit.

“Ganito na lang ba tayo palagi?” ayon kay Escudero.

Nitong huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ipinagmalaki nito na umabot sa 5,500 flood control projects ang natapos ng pamahalaan at marami pang ibang ginagawa sa buong bansa.

Ngunit, ilang araw matapos ang SONA, binayo ng bagyong Carina kasabay ng Habagat ang Metro Manila at karatig-bayan na lumubog nang ilang oras lamang. May lugar na halos lampas tao ang baha.

Wala pang tugon ang Palasyo hinggil sa pahayag ni Marcos sa SONA na umabot sa 5,500 flood control projects ang natapos kumpara sa nangyaring pagbaha sanhi bagyong Carina.

“Tanggapin na lang natin na kapag malakas ang ulan, magbabaha at paralisado ang normal/regular na buhay natin?” giit ni Escudero.

Taon-taong naglalaan ang Kongreso ang bilyong halaga ng pondo upang ayusin ang drainage system hindi lamang sa Metro Manila kundi sa mga karatig-bayan tulad ng Bulacan at Rizal.

Pero, nitong Miyerkules, halos lumampas samga kabahayan ang baha na naranasan ng ilang lugar na matagal nang binabaha.

“What happened to “building back better? Dapat, sa panahong ito, ‘di na pwede ang uwede na at ‘di na pwede ang dating gawi,” pahayag ni Escudero.

Kamakailan, isinisisi din ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri at Senador Joel Villanueva sa reclamation sa Manila Bay ang hindi malutas-lutas na problema sa pagbaha.

Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council, umabot sa 14 katao ang namatay at mahigit 1 milyong residente sa iba’t ibang lugar ang lubhang naapektuhan ng baha. Dalawa naman ang sugatan at dalawa rin ang nawawala.

Umabot din sa 1,453 magsasaka ang naapektuhan ng bagyong Carina, na may 1.3 milyong ektarya ng taniman ang nasalanta, at 351,590 ektarya rito ang hindi na mababawi pa.

Tinatayang aabot sa P10 milyon ang halaga ng apektadong taniman, pinakalamaki sa northern Mindanao na nakapagtala ng P6.6 milyong pinsala, ayon sa ulat ng pamahalaan. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here