MANILA, Philippines- Iniulat ng Philippine National Police (PNP) at base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at monitoring ng Remate News Online nitong Huwebes, kabuuang 29 indibidwal ang naiulat na nasawi sa Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, at Mindanao sa gitna ng epekto ng southwest monsoon o Habagat na pinalakas ng Tropical Cyclone Carina.
Sa Calabarzon, ayon sa PNP, 11 indibidwal ang namatay sa gitna ng masamang panahon, kabilang ang lima sa Batangas at tig-tatlo sa Cavite at Rizal. Karamihan sa mga biktima ay nasawi sa pagkalunod, landslides, pagkakakuryente at bumagsak na puno.
Isa naman ang nawawala sa Cavite, habang anim ang sugatan sa Rizal sa kasalukuyan.
Sa Central Luzon, tatlong indibidwal ang naiulat na namatay kabilang ang dalawa sa Angeles City, Pampanga at isa sa Bustos, Bulacan. Nasawi sila sa landslide at drowning incidents, batay sa PNP.
Base sa monitoring ng Remate News Online, may isang hindi pa nakikilalang babae ang nasawi rin sa Bulacan dahil sa kalamidad.
Tatlong indibidwal ang naiulat na sugatan sa nabanggit na rehiyon.
Samantala, sa Metro Manila, pitong indibidwal ang naiulat na binawian ng buhay kabilang ang dalawa sa Maynila at tig-iisa sa Malabon, Valenzuela, San Juan, Mandaluyong, Manila, at Pasay. Nasawi sila dahil sa pagkalunod at pagkakakuryente.
Walong indibidwal ang naiulat na nagtamo ng sugat sa Quezon City.
Bukod dito, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na pito ang kumpirmadong patay sa Mindanao kabilang ang apat sa Zamboanga at tig-iisa sa Northern Mindanao, Davao, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nakalabas na ng Philippine area of responsibility si Bagyong Carina nitong Huwebes ng umaga.RNT/SA