MANILA, Philippines- Magsasagawa ng “second collection” sa kanilang mga misa sa Sabado at Linggo para sa kapakanan ng mga biktima ng habagat at bagyong Carina ang mga Simbahang Katoliko sa ilalim ng Archdiocese of Manila.
Ang pangalawang aktibidad sa pagkolekta ay batay sa circular noong Hulyo 25 na inilabas ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, na nakadirekta sa lahat ng mga kura paroko, mga moderator at miyembro ng team ministry, mga rektor, mga pari ng mission station, at mga chaplain sa Archdiocese of Manila.
“My heart and prayers go out to all those affected by the heavy rain and flooding. We extend our sincere gratitude to the churches and homes that opened their doors to accommodate those affected. The solidarity among Christians is deeply felt in times like these,” sabi ni Advincula sa kanyang Circular No. 2024 – 51.
“As we offer our prayers and sacrifices for the victims of typhoon Carina, we will also have a second collection in our parishes and communities during all Masses on Saturday evening (27 July 2024) and the whole day of Sunday (28 July 2024),” dagdag pa ng kardinal.
Kasabay ng kahilingan sa lahat ng mga parokya na ipadala ang lahat ng koleksyon sa accounting office ng Archdiocese, inialay din ni Advincula ang sumusunod na panalangin sa mga nasalanta ng bagyong Carina:
“Panginoon, sa hudyat ng Iyong salita
ay sumusunod ang langit at dagat
Iunat Mo ang Iyong mapagpalang kamay
upang huminto na ang ulan at pagbaha.
Lingapin mo ang aming mga kapatid
na ngayo’y giniginaw, nagugutom at nalubog sa tumataas na baha.
Pawiin Mo ang lahat ng aming pangamba
Imulat Mo ang aming mga mata
At buksan ang aming mga puso
upang kami’y makatugon nang bukas-palad
sa aming mga kapatid na nangangailangan.
Hinihing namin ito sa pamamagitan ni
Kristo, kasama ng Espiritu Santo,
Ditos magpasawalang-hanggan.
Amen.”
Tinapos ni Advincula ang kanyang circular sa pamamagitan ng pagtitiyak sa publiko ng kanyang mga panalangin at pagmamalasakit ng Diyos para sa lahat.
Nagdeklara ng state of calamity ang Metro Manila nitong Miyerkules matapos magdulot ang pag-ulan ng malawakang pagbaha na dulot ng habagat.
Umalis si Carina sa Philippine area of responsibility noong Huwebes. Ngunit magpapatuloy ito sa pagpapalakas ng habagat hanggang Sabado, sinabi ng state weather bureau PAGASA. Jocelyn Tabangcura-Domenden