MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na ibinalik na sa kanya ang security detail ni Senator Bong Go matapos silang ipa-recall para sumailalim sa refresher training.
Nauna nang sinabi ni Go na inalis na ang kanyang security detail bago pa man na-withdraw ang 75 police officers sa security team ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ng senador na nababahala siya sa pagkawala ng kanyang security team dahil may mga banta at panganib sa kanyang buhay bilang senador.
Sa isang press conference, sinabi ng tagapagsalita ng PNP na si Police Colonel Jean Fajardo na na-recall ng Police Security and Protection Group ang lahat ng protective security personnel dahil sa isang isyu kung saan nahuling nagmomoonlighting ang mga pulis.
“Nung ni-recall, pinasailalim sila sa mga refesher training with respect doon sa pag pro-provide ng security. After nila matapos itong refresher training, binalik din po ito sa mga authorized individual, including kay Senator Bong Go,” ani Fajardo sa media.
Noong Mayo, dalawang pulis ng Special Action Force, na naka-deploy sa Zamboanga, ang napag-alamang nagtatrabaho bilang bodyguard ng isang Chinese citizen na nakatira sa loob ng isang exclusive residential village sa Alabang, Muntinlupa City.
Naglabas ng direktiba si PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na nagpapaalala sa mga opisyal na tumutok sa kaligtasan ng publiko at huwag magbigay ng serbisyo sa mga pribadong indibidwal. RNT