LASAM, Cagayan – Hindi na umabot ng buhay ang tatlong kalalakihan na nagrambulan sa loob ng bahay inuman sa Barangay Centro 2, Lasam, Cagayan, kagabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Rex Udarbe 49-anyos ng Brgy. Centro 01, Dennis Purifiction, 56-anyos ng Brgy Ignacio B. Jurado at Domingo Rigayan 35-anyos habang ang suspek ay si Oliver Pagaduan 29-anyos, kapwa residente sa Brgy. Sicalao sa nasabing bayan.
Magkasama sa isang mesa sina Udarbe at Purifiction na nag-iinuman habang nasa ibang mesa rin si Rigayan kasama ang suspek sa Brgy. Centro Dos.
Sa hindi malamang kadahilanan, bigla umanong hinamon ng suspek ng suntukan sa labas ng bahay inuman ang dalawang biktimang nasa kabilang mesa.
Pagkalabas ng suspek, sumunod ang dalawang biktima at nagkaroon ng suntukan pero inilabas ng suspek ang kanyang pistol na nakalagay sa sling bag at binaril ang dalawang biktima na dahilan ng kanilang pagkamatay.
Sinubukang umawat ang kasama ng suspek na si Rigayan ngunit nabaril din ito ng suspek na sanhi rin ng kanyang kamatayan.
Nabatid na napagtripan lamang ang mga biktima dahil doon lamang sila nagkita-kita at wala naman umanong dating alitan.
Hanggang sa ngayon ay patuloy ang hot pursuit operation ng kapulisan sa suspek na agad tumakas matapos ang pamamaril. Rey Velasco