MANILA, Philippines – Nauwi sa pananaksak ang agawan ng pasahero ng dalawang pedicab driver sa Tondo, Maynila.
Batay sa kuha ng CCTV, nakaupo ang biktima sa harap ng isang tindahan nitong Miyerkules nang lapitan siya ng isang lalaki at bigla siyang pinagsasaksak sa likod.
Nakatayo pa ang biktima habang mabilis na tumakas ang suspek.
Sinabi naman ni Manila Police District (MPD) spokesperson Police Major Philipp Ines na naiwan pa sa likod ng biktima ang ipinantarak ng suspek.
Ayon sa imbestigasyon ng MPD, alitan sa mga pasahero ang motibo sa pananaksak.
Nahuli ang suspek sa hot pursuit operation Miyerkules ng gabi at narekober ang isang kalibre .38 na baril.
Hindi naman itinanggi ng suspek na ginawa niya ang krimen at sinabing matagal na silang may alitan sa biktima dahil sa away tungkol sa mga pasahero.
“Nauna po tayong tinawag ng pasahero, inagaw nya po tapos siya pang matapang. Depensahan ko lang po sarili ko na kesa naman po ako maunahan, inunahan ko na lang po siya kasi hina-hunting nya po talaga ako,” anang suspek.
Nasa stable na kondisyon ang biktima at nagpapagaling pa sa ospital habang sinampahan ng kasong frustrated murder at illegal possession of firearms ang suspek.