PINUNA ni Senator Christopher “Bong” Go sa pagdinig ng Senate committee on public order ang nakaaalarmang paggamit ng “excessive force” ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang police operation sa bisinidad ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.
“Let me remind the PNP that in its operational procedures, only necessary and reasonable force should be used to accomplish the task of enforcing the law and maintaining peace and order,” sabi ni Go.
Matatandaan na noong June 10, nagsilbi ng arrest warrant ang PNP laban kay KOJC leader Apollo Quiboloy, kung saan ay mahigit 100 pulis, kinabibilangan ng mga tauhan ng Special Action Force at Criminal Investigation and Detection Group ang sumugod sa KOJC compound.
Bukod dito, may mga yunit pa ng PNP na ikinalat sa apat na property ni Quiboloy sa Davao City, Samal Island, at Sarangani Province.
Nito namang August 3, panibagong maniobra ang isinagawa ng law enforcement agencies matapos makitang nakabantay ang SWAT personnel sa mga strategic locations, malapit sa KOJC compound.
Dahil dito, nangamba at nahintakutan ang mga residente sa lugar sa ipinapakita ng pulisya, sa naging epekto nito sa publiko, partikular sa mga batang na-trauma, at klase sa lokal na paaralan na nagambala.
Binigyang-diin ni Go na sa manual ng PNP, tahasang nakasaad na ang mga armas ay dapat lamang gamitin bilang huling paraan.
“The operational manual of the PNP also states that the use of weapons (is) only in lethal approach and as a last resort if the suspect is ‘armed and dangerous’ or if there is ‘unlawful aggression or intention to cause severe injury, serious bodily harm or death to police officers and other people’,” ani Go.
Aniya, ang mga ikinalat na SWAT team na pawang naka-full combat gear at nagdulot ng panic sa mga residente, lalo sa mga bata at estudyante ay masyadong nakaaalarma.
Bilang chairperson ng committee on public order, kinuwestyon ni Go kung ang naging aksyon bang ito ng PNP ay sumasang-ayon pa rin sa motto nito na “protect and serve.”
Ipinaalala ni Go sa PNP na ang nakaraang administrasyon ay ibinigay ang lahat ng suporta sa police force, partikular sa mga nasa “line of duty” bukod sa dinoble ang kanilang mga suweldo.
“Isa po sa isinulong natin noon na doblehin ang sweldo ng ating mga pulis, uniformed personnel. We worked with various Executive agencies and the entire Congress na maisakatuparan ang pangakong binitawan,” ani Go.
Ani Go, inatasan siya mismo ni dating Pangulong Duterte bilang Special Assistant na ipaglaban ang uniformed personnel at hanggang ngayon ay full support siya sa mga ito.
Kaya naman nanawagan si Go sa mga pulis na panatilihin ang pagiging non-partisan at estriktong sundin rule of law.
“Ang atin lang po ay sana maging non-partisan kayo, gawin niyo lang po ang inyong trabaho, protektahan ang karapatan ng Pilipino. Every operation should be conducted within the bounds of law,” ayon kay Go.
“Wala naman pong terorista, hindi naman siguro terorista ang hinahanap ninyo. Paalala lang na gawin niyo po yung tama,” pahabol ng senador. RNT