Manila, Philippines – Nais paimbestigahan ni Surigao del Norte 2nd District Congressman Robert Ace “Alas” S. Barbers ang umano’y scripted o moro-morong raid na isinagawa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa Davao City makaraang salakayin ang mga ito ang compound ng Kingdom of Jesus Christ para hanapin at tugisin ang puganteng si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ayon kay Barbers, kailangang sagutin at magpaliwanag si NBI Region 11 Director Archie Albao ukol sa ibinabatong akusasyon laban sa kanya na isang moro-moro lamang ang ginawa nitong raid kamakailan sa compound ni Quiboloy.
Sabi pa ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na maging ang mga netizen ay may kahalintulad na reklamo at kritisismo kung papaano isinagawa nina Albao ang naturang raid na mistula umanong pawardi-wardi lang ang mga tauhan ng NBI habang hinahalughog ang buong compound.
Ipinaliwanag pa ng kongresista na hindi tuloy maiiwasan na magkaroon o kaya’y mabahiran ng pagdududa ang ipinakitang aksyon ng grupo ni Director Albao sapagkat parang wala umano sa kanilang loob o hindi talaga sila seryoso habang isinasagawa ang nasabing raid.
Nauna rito, inakusahan din ng dating KOJC Pastoral at key complainant na si Arlene Stone si Albao na malapit kina Quiboloy at Duterte. Kung saan, si Stone rin ang nagpatunay na “scripted” ang naturang raid.
“Kaya nila inunahan ang PNP para to tell the public that they are doing their job but very obvious naman sa video na para lang silang namamasyal doon,” sabi ni Stone kaugnay sa raid.
Sinabi naman ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na kilala si Quiboloy bilang eksperto sa pagtatahi ng mga maling impormasyon at fake news kaya dapat lang na maimbestigahan ang mga akusasyon laban sa NBI Region 11 para maging patas. RNT