MANILA, Philippines -NILINAW ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na napilitang lumutang si Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy at hindi sumuko sa gobyerno dahil papalapit na ang Philippine National Police (PNP) sa kanyang hideout.
Ang pahayag na ito ni Pangulong Marcos ay kasunod ng pag-iingay ng publiko hinggil sa tunay na nangyari sa paghuli kay Quiboloy.
Sinabi kasi ng kampo ni Quiboloy na ang pastor ay sumuko sa military habang sinabi naman ng PNP na inaresto si Quiboloy, Linggo ng gabi.
“I think that’s a legal question. Pero ganito ang iniisip ko eh, hindi siya lilitaw kung hindi namin hinabol ng husto,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa panayam sa sidelines ng Philippine Strategic Trade Management Summit sa Taguig City.
Winika ng Pangulo, para masabing sumuko ang isang wanted na indibiduwal, ito ay dapat na dumaan sa police station, isang taga-usig, o anumang official authority sa estado sa kanilang pagsuko.
“Hindi ganiyan ‘yung nangyari, ang nangyari napilitan siyang lumabas kasi malapit na ang pulis sa kanya,” ayon kay Pangulong Marcos.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na pinresenta ni Quiboloy ang kanyang sarili sa mga awtoridad para pigilan ang kanyang mga taga-suporta na nagbanta na ibubuwis ang kanilang sariling buhay.
“To his credit, he was still displaying a modicum of leadership to his followers,” aniya pa rin.
Samantala, matapos ang dalawang linggo na umano’y ilegal na pag-okupa at paghahalughog ng PNP sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) religious compound sa Davao City ay nilisan na rin ito ng libu-libong pulis.
Ayon sa legal counsel ng KOJC na si Atty. Israelito Torreon, boluntaryong sumuko si Pastor Apollo at apat na kapwa akusado na sina Sis. Ingrid Canada, Enteng Canada, Sylvia Cemanes, at Jackielyn Roy.
Ang pahayag na ito ay taliwas sa ipinakakalat na balita ni Benhur Abalos ng DILG na nahuli ng awtoridad si Pastor Apollo.
Ayon sa abogado, piniling sumuko ni Pastor Apollo dahil sa hindi na niya makayanan ang pagpapahirap na dinaranas ng kaniyang mga miyembro mula sa kamay ng mga kapulisan.
Mayroon din kasi siyang natanggap na intel report o banta na huhulihin at sasaktan ang mga KOJC members at missionaries.
Sinabi rin ni Atty. Torreon na si Pastor Apollo ay hindi nanatili sa KOJC religious compound sa loob ng 2 linggong pagkubkob dito ng kapulisan.
Taliwas ito sa ilang beses na pinaninindigan ng PNP na si Pastor Apollo ay nasa isang underground bunker sa loob ng nasabing KOJC religious compound.
Sinabi ni Torreon na nagdesisyon si Pastor Apollo na sumuko sa Armed Forces of the Philippines dahil may tiwala siya sa mga ito.
Matapos sumuko ni Pastor Apollo at ang apat na iba pa niyang kasama ay agad silang dinala sa PNP Custodial center sa Camp Crame nitong Linggo ng gabi. Kris Jose