NANANATILING nasa Alert Level 3 ang Lebanon sa kabila ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos jr., sa isang panayam ng Philippine media delegation para sa 44th at 45th ASEAN Summit and Related Summits.
Tinanong kasi ang Pangulo kung ang bansa, naiipit sa labanan sa pagitan ng Israel at Hezbollah, ay ilalagay sa ilalim ng Alert Level 4.
Ang tugon ng Chief Executive ay ”Hindi pa.”
”It depends on the situation there and the ones who will assess there is the DFA and the embassy,” aniya pa rin.
Ang Alert Level 3 ay nangangahulugan na ang mga Filipino ay maaaring magpasyang maging ‘voluntarily repatriated.’
Sa kabilang dako, ang itaas sa Alert Level 4 ay nangangahulugan naman na maaari nang manawagan ng mandatory repatriation ng mga Filipino ang gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi ni Pangulong Marcos na tumawag siya ng online meeting kasama ang mga Cabinet officials dahil sa pagbabagong nangyayari sa situwasyon sa Lebanon.
”Dahil nagbabago eh, actually kumukuha ako ng report more than once a day so I got a report early this morning na mayroon tayong binigay na directive sa ating mga kaibigan na shipowner na huwag na silang dadaan doon sa mga delikadong lugar,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Sa kabilang dako, hinikayat naman ng Philippine Embassy sa Beirut ang mga Filipino na lumikas na habang available pa ang commercial flights sa gitna ng patuloy na pagpapalitan ng mga rockets sa pagitan ng Israel at Hezbollah at maging air strikes ng Israel na umabot na sa bahagi ng Lebanese capital.
Samantala, inatasan naman ni Pangulong Marcos ang concerned government agencies na gamitin ang lahat ng available assets upang tiyakin na ligtas at napapanahon ang pagpapauwi sa mga Filipino na direktang apektado ng krisis sa Gitnang Silangan. Kris Jose