MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na binanggit niya ang usapin ng South China Sea sa 44th at 45th ASEAN Summit and Related Summits.
”Yes,” ang naging sagot ni Pangulong Marcos sa Philippine media delegation nang tanungin siya kung napag-usapan ba ang South China Sea sa isinagawang interbensyon sa Summit.
At sa tanong naman kung tinalakay niya ang developments sa rehiyon, sinabi ng Pangulo na hindi naman niya idinetalye ito.
”I didn’t specify the details, but that’s the general principle of the adherence to the rule of law and the UNCLOS. That’s just a general theme,” ayon kay Pangulong Marcos.
Aniya, sa mga susunod na araw ay maaari namang pag-usapan ang detalye ng nasabing isyu.
Sa ulat, nagpapatuloy ang tensyon dahil sa pag-angkin ng Beijing sa halos buong South China Sea, isang lagusan para sa mahigit sa $3 trillion na annual ship-borne commerce, kabilang na ang bahagi na inaangkin naman ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei. Tinukoy ng Pilipinas ang bahagi ng South Chin Sea bilang West Philippine Sea (WPS).
Taong 2016, nagpasya ang international arbitration tribunal sa Hague na pabor sa Pilipinas at pagbasura sa pag-angkin ng Tsina sa South China Sea sa dahilan na wala itong legal na basehan.
Hindi naman kinilala ng Tsina ang desisyon at patuloy itong gumagawa ng kasamaan sa rehiyon.
Samantala, nangako naman si Pangulong Marcos na hindi ibibigay ng pamahalaan ang kahit na isang pulgada ng teritoryo ng bansa. Kris Jose