MANILA, Philippines – Pinagbabaril ng ilang beses ang isang college student na pauwi na sana sa kanyang bahay mula sa kanyang part time na trabaho bilang delivery rider nitong madaling araw ng Lunes.
Kinilala ang biktimang si Allan Vincent Eugenio, 22-anyos, na pinagbabaril ng dalawang lalaki saka kinuha ang motorsiklo ng biktima sa Barangay Sumilang, Pasig City
Lumabas ang ina ng biktima at natagpuan ang kanyang anak na nakahandusay sa lupa.
Isinugod pa sa ospital si Eugenio, ngunit kalaunan ay binawian ng buhay dahil sa 10 tama ng baril na natamo niya.
Sinabi ng pulisya na talagang hinahabol ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima.
“Bakit ganun yung ginawa niyo sa anak ko? Kung intensyon niyong agawin yung motor niya, sana kinuha niyo na lang, bakit pinatay niyo pa?” ayon sa ina ng biktima.
Nagawa namang maaresto ng Pasig City Police ang dalawang suspek na nasa edad 19 at 20 sa loob ng wala pang 24 oras.
Sinabi ni Pasig City Police chief PCol. Hendrix Mangaldan na ang mga suspek ay sinampahan na ng kasong carnapping at attempted homicide.
“Modus operandi nila na mag-carnap ng motorcycle and then ‘pag medyo may resistance ‘yung biktima, binabaril,” ani Mangaldan.
Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa carnapping law, illegal possession of firearms, at murder RNT