Home OPINION IRR NG REPUBLIC ACT NO. 11996 PINANGALANAN BILANG PARANGAL KAY EDDIE GARCIA

IRR NG REPUBLIC ACT NO. 11996 PINANGALANAN BILANG PARANGAL KAY EDDIE GARCIA

156
0
NOONG ika-30 ng Setyembre 2024, nilagdaan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido E. Laguesma ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11996 o mas kilala bilang Eddie Garcia Law IRR o Department Order No. 246, Series of 2024, sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.
Iniaatas dito ang pagbibigay ng sapat na pagkain, ligtas na tubig inumin, wastong pasilidad ng pahingahan, at tirahan sa lahat ng sakop na manggagawa. Nakasaad din ang kaukulang multa sa paglabag sa batas mula P100,000 hanggang P500,000.
Ipinagbabawal din ang diskriminasyon batay sa edad, kasa­rian, at lahi, at pagkakaroon ng mga hakbang laban sa pisikal na karahasan, panliligalig, at pang-aabuso sa mga lugar-paggawa. Kasama rin ang mga espesyal na regulasyon para sa pamamahala sa pagtatrabaho ng mga menor-de-edad at muling pagpapatibay ng karapatan ng mga manggagawa sa pagbuo ng organisasyon at kabayaran sa ilalim ng Intellectual Property Code.
Nagpahayag ng suporta sa implementasyon ng IRR ang mga pangunahing may-akda ng Eddie Garcia Law na sina Se­nate President Pro-tempore Jinggoy Estrada at Rep. Michael L. Romero.
Sinabi ni Rep. Romero na ang paglagda sa IRR ay “parehong monumental at emosyonal na araw,” isang hudyat ng pagsisi­mula ng isang bagong panahon para sa industriya ng pelikula at telebisyon “kung saan mas pinahahalagahan natin ang kaligtasan at kagalingan ng bawat manggagawa at kung saan ang proteksyon at dignidad ay hindi kailanman dapat ipagsapalaran o isakripisyo sa ngalan ng sining, komersiyo o kahit na ng takdang panahon.”
Ayon kay Sen. Estrada ang nasabing batas na pinangalanan bilang parangal kay Eddie Garcia at ang IRR nito ay katuparan ng isang dekadang adhikain ng mga manggagawa na mabigyan ng tamang proteksyon ang kanilang karapatan at kapakanan.

Sinabi niya na ang IRR ay “maingat na ginawa kasama ang mga industry stakeholder upang matiyak na ang lahat ng kasapi ay mabibigyan ng proteksyon, pangangalaga, at paggalang na nararapat para sa kanila,” at upang “tiyakin na ang lahat ng sektor na bahagi ng production process ay sumusunod sa pinakamataas na pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa paggawa.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here