Home NATIONWIDE DepEd chief Angara, kinalampag sa di paggamit ng mother tongue sa pagtuturo

DepEd chief Angara, kinalampag sa di paggamit ng mother tongue sa pagtuturo

111
0

MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ng Senate committee on basic education si Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara sa implementasyon sa hindi pagpapatuloy ng paggamit ng mother tongue bilang medium of instructions o wika sa pagtuturo sa lahat ng pampublikong paaralan.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng komite na mandato ngayon ng batas na hindi na dapat gamitin ang mother tongue bilang pamamaraan sa pagtuturo kaya’t dapat tiyakin ni Angara ang agaran at epektibong implementasyon.

Nakasaad sa Republic Act No. 12027 na hindi na ipagpapatuloy ang paggamit ng mother tongue bilang wika sa pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 3, bagay na iminandato ng Enhanced Basic Education Act of Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law.

Babalik ang wika sa pagtuturo sa Filipino at Ingles, maliban na lang kung may ibang itatakda sa batas.

Naaayon ito sa Article XIV, Section 7 ng 1987 Constitution. Gagamitin naman ang mga wika ng rehiyon bilang auxiliary media of instruction o katuwang na wika sa pagtuturo.

Maaari pa rin namang ipatupad sa mga monolingual classes ang prinsipyo ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na nakasaad sa K to 12 Law. Ang monolingual class ay isang pangkat ng mag-aaral na gumagamit ng isang mother tongue at naka-enroll sa isang grade level sa isang school year.

Nakasaad din sa batas ang mga kondisyon para sa epektibong pagpapatupad ng MTB-MLE sa mga monolingual classes: opisyal na ortograpiya na ginawa at inilimbag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF); opisyal na dokumentadong bokabularyo na inilimbag ng KWF tulad ng glossary, diksyunaryo, encyclopedia, o thesaurus; panitikan sa wika at kultura tulad ng mga big books, small books, picture stories, o wordless picture books; grammar book; at sapat na bilang ng mga guro sa paaralan na dalubhasa at may training sa pagtuturo ng Mother Tongue.

Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019, 9% lamang sa 16,287 na paaralang na-survey ang nakasunod sa mga kondisyong ito para sa pagpapatupad ng MTB-MLE.

“Malinaw sa naging karanasan ng ating mga mag-aaral at mga guro na hindi naging matagumpay ang pagpapatupad ng mother tongue sa ating mga paaralan. Malinaw din sa ating pag-aaral at pananaliksik na hindi akma ang paggamit ng Mother Tongue kung ang mga mag-aaral sa isang klase ay multilingual. Ngayon, mabibigyan na natin ang mga guro ng kalayaang gumamit ng wikang akma sa pangangailangan at sitwasyon ng mga mag-aaral,” ani Gatchalian.

Binalikan ng mambabatas na sa pagrepaso ng Senate Committee on Basic Education sa pagpapatupad ng MTB-MLE, sa kontekstong monolingual lamang ang naibahaging pag-aaral sa paggamit ng mother tongue bilang wika sa pagtuturo.

Kabilang dito ang mga Lingua Franca (1999-2002) at Lubuagan (1999-2011) studies. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here