MANILA, Philippines – Dalawang driving school ang sinuspinde sa loob ng 30 araw matapos mapatunayang nagpapadali sa pag-iisyu ng Theoretical Driving Course (TDC) at Practical Driving Course (PDC) certificates na inilarawan ng Land Transportation Office (LTO) na katumbas ng operasyon ng mga fixer.
Ayon sa LTO ang PDC at TDC ang dalawang pangunahing kinakailangan sa aplikasyon para sa lisensya sa pagmamaneho at sinabi ni LTO Chief Vigor D. Mendoza na ang dalawang sinuspinde na driving school ay nag-iisyu sa kanila sa kabila ng hindi pagpapakita at hindi sapat na bilang ng kinakailangang oras para sa mga kurso para sa kani-kanilang mga estudyante.
“Ito ay bahagi ng ating agresibong kampanya laban sa mga fixer. Hindi natin mapapayagang mangyari ang mga modus na ito dahil ang nakataya ay ang kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada,” ani Mendoza.
Kaugnay nito ang LTO-Intelligence and Investigation Division ay agad na nagtalaga ng mga poseur client batay sa tagubilin ni Mendoza na nakatanggap ng mga ulat ng talamak na pag-iisyu ng mga PDC at TDC at maging ng mga medical certificate sa kabila ng hindi pagsunod ng mga kliyente.
Nabatid sa kanyang ulat, sinabi ni LTO-IID chief Renante Militante na ang kanilang poseur client sa isang driving school sa San Sebastian, Tarlac ay nakakuha ng TDC sa kabila ng hindi pagpapakita sa tulong ng isa sa mga instruktor.
Samantala, sinabi niya na ang poseur client sa Lucena City-based driving school ay nakakuha rin ng PDC sa kabila ng hindi pagkumpleto ng mga kinakailangang oras at sa kabila ng hindi pagpapakita sa mandated road safety seminar.
Sinabi ni Mendoza na ang aksyon ng LTO ay dapat magsilbing mahigpit na babala laban sa lahat ng driving schools at accredited medical clinics. (Santi Celario)