MANILA, Philippines — Sinabi ni dating pangulong Rodrigo Duterte, sa kanyang walang prenong testimonya nitong Lunes sa isinagawang drug war probe ng Senado, na wala siyang intensyon na iligtas ang mga drug user at suspect, sa halip ay hinihiling niya na sila ay mapunta sa impiyerno at makipagkita sa kanya doon.
Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos tanungin ni Sen. Risa Hontiveros — sa Senate subcommittee probe sa drug war ng nakaraang administrasyon — kung ang mga gumagamit ng droga at mga kriminal sa droga ay karapat-dapat na mamatay kaysa makulong.
“Para i-paraphrase ko si Patricia Evangelista: Do some people need killing?” tanong ni Hontiveros.
Agad na sinagot ni Duterte na hindi niya intensyon na mag-aksaya ng pera sa mga gumagamit ng droga at mga kriminal kapag magagamit niya ito para makatulong sa mga Pilipinong nangangailangan.
“Presidente ako, nagagastos ako sa gobyerno. Bakit ako magbubuhay sa mga p ***** i**** ‘yan? Kung yung pera na ipakain ko riyan sa mga preso ay ibigay ko na lang sa mga tao riyan sa walang bigas, walang trabaho,” ani Duterte.
Pagkatapos ay tinanong ni Hontiveros si Digong kung ang mga indibidwal na ito ay karapat-dapat na patayin sa halip na makulong.
“Wala akong paki alam sa kriminal kung saan silang impyerno gustong pumunta. Gumawa ka ng sarili mong kasaysayan sa planetang ito. Yun ang gusto nilang mangyari, doon sila sa impyerno at doon tayo magkita,” ani Duterte.
Bilang tugon, sinagot ni Hontiveros na walang hurisdiksyon ang Senado sa impiyerno, idinagdag na ang itaas na kamara ay maaari lamang mag-imbestiga sa Pilipinas.
“But doon tayo pupunta,” ani Duterte.
“Well, wala po akong ambisyon na pumuntang impyerno pa,” tugon naman ni Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na umaasa siyang sinusubaybayan ng Department of Justice (DOJ) ang pagdinig dahil maraming mga kriminal na gawain ang isiniwalat ni Duterte.
Isa sa mga bombang ibinunyag ni Duterte sa pagdinig ay ang pag-utos niya sa kanyang mga pulis na “hikayatin ang mga pinaghihinalaang kriminal na lumaban” upang sila ay “mapatay.”
Ito ang unang pagkakataon na humarap si Duterte sa isang pagsisiyasat sa Kongreso sa kanyang brutal na kampanya laban sa droga. RNT






