MANILA, Philippines – Handa na ang Department of Transportation (DOTr) sa pagdagsa ng mga byahero para sa panggunita ng Undas 2024.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, ginawa na ang lahat ng paghahanda ng mga transport agencies dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga pasahero sa mga paliparan, pantalan at bus terminals na inaasahang aabot sa apat na milyon.
Samantala, puspusan na rin ang paglilinis at repair works ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga national roads at tulay upang masiguro ang kaligtasan at maayos na byahe ng mga uuwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Magdedeploy na rin ng composite team ang DPWH sa mga strategic locations sa buong bansa mula alas 8 ng umaga hanggang Okt.31 ng alas 5 ng hapon sa ilalim ng “Lakbay Alalay” (travel assistance) program.
Binubuo ng uniformed field at crew personnel ang DPWH Lakbay Alalay teams na nagtatrabaho round-the-clock shifts.
Ilang mga kalsada pa rin ang hindi madaanan bunsod ng pinsala dulot ng bagyong Kristine.
Handa na rin ang Manila LGU sa Undas kung saan nag-inspeksyon na sa South Cemetery nitong Lunes upang masiguro ang kahandaan ng pasilidad at security measures.
Aabot naman sa halos 19 libo ang ipapakalat na tauhan ng Philippine National Police upang magbantay sa mga sementeryo at paligid nito.
Sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na ang deployment na ito ay may kasamang tagubilin para sa mga local police commanders na maglagay ng police assistance desks (PADS) malapit sa mga sementeryo, columbaria, memorial park at iba pang lugar ng public convergence.
Gayunpaman, idinagdag niya na ang awtoridad na magpasya sa security alert status ng ilang mga lugar ay ipinaubaya sa mga local police commanders, partikular na ang mga regional director. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)