Home HOME BANNER STORY Pinas mag-aangkat ng 8,000 MT ng galunggong

Pinas mag-aangkat ng 8,000 MT ng galunggong

145
0

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang karagdagang importasyon ng 8,000 metric tons (MT) ng maliliit na pelagic fish, kung isasaalang-alang ang epekto ng sunud-sunod na bagyo sa bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa na makatutulong ito sa pagpapanatili ng stable na presyo ng maliliit na pelagic fish sa merkado, kabilang ang galunggong, bonito, moonfish, at mackerel.

“Alam natin ang laki ng problema ng sunud-sunod na bagyong magmula kay Kristine (international name Trami) … hanggang kay Pepito (Man-yi), at isa ang fishery sa naapektuhan,” ani De Mesa.

Ayon sa DA-Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRM), ang Severe Tropical Storm Kristine, Typhoon Leon (Kong-rey), Typhoon Nika (Toraji), at Super Typhoon Ofel (Usagi) ay nag-iwan ng tinatayang 1,781.71 metric tons ng isda sa pagkalugi, nagkakahalaga ng P666.72 milyon, na nakaapekto sa 6,082 mangingisda sa mga rehiyong naapektuhan bago pa man ang pananalasa ng Super Typhoon Pepito.

Ang karagdagang dami ng pag-import ng isda ay higit pa sa 30,000 MT na inaprubahan kanina para sa saradong panahon ng pangingisda.

“Compared to last year, napakababa ng in-allow na importation ng isda ngayong taon. Kaya kayang maidagdag iyong 8,000. Dati kasi umaabot tayo ng 60,000 metric tons,” dagdag pa ni De Mesa.

Kung maaprubahan, ang target na pagdating ng supplemental fish import ay sa unang dalawang linggo ng Disyembre upang matiyak ang stable na presyo sa gitna ng pagdiriwang ng holiday. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here