MANILA, Philippines – Nasa 10.8 milyong mobile number ang na-blacklist na, habang 2.3 milyong SIM cards ang na-deactivate ngayong taon sa paghihinala na ginagamit ang mga ito sa cyber fraud, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa Senate plenary budget deliberations nitong Miyerkules, Nobyembre 20, sinabi ng DICT na naharang ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mahigit 2.2 bilyong text messages na ipinadala ng mga scammer na sangkot sa iba’t ibang fraudulent activities.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, sponsor ng badyet ng DICT para sa 2025, na sinunod nito ang utos ng NTC sa mga telco na maging mahigpit sa pag-iisyu ng SIM cards.
“The NTC is doing its share to make sure that text blasts, or spam as we call it, will be reduced,” sinabi ni Gatchalain kay Senador Risa Hontiveros kasabay ng interpelasyon sa proposed spending plan ng DICT.
“The good thing is that the NTC managed to block a lot of SIM cards and prevented spamming and scamming from happening,” dagdag pa niya.
Ayon sa mambabatas, inatasan na ng state regulator ang mga telco na i-upgrade ang kanilang teknolohiya para matukoy ang fraudulent registration ng SIM cards, kasunod ng ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakapagrehistro ng SIM card gamit ang larawan ng isang unggoy.
“The system that the telcos are using is very primitive. So NTC released several memos to telcos (directing them) to use the latest technology to detect fraud and fake identities,” ipinunto pa niya. RNT/JGC