Home NATIONWIDE PBBM magmumukhang ‘weak leader’ ‘pag nalusutan ni VP Sara ang impeachment –...

PBBM magmumukhang ‘weak leader’ ‘pag nalusutan ni VP Sara ang impeachment – analyst

159
0

NANINIWALA ang isang political analyst na maaaring magmukhang ‘weak leader’ o ‘lame duck’ si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung malulusutan ni Vice President Sara Duterte ang impeachment attempt sa kanya.

Sa isang panayam, sinabi ni political analyst Ronald Llamas na ang naging kautusan ni Pangulong Marcos sa kanyang mga kaalyado sa Kongreso na huwag nang maghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara ay ‘could be taken at face value.’

“Pwede nating tingnan na ‘yung isang kamay niya ayaw niya ‘yung impeachment…pwede rin na habang dumidistansya siya ay ‘yung iba niyang mga kasama, ang tinging may blessing naman sila para ituloy,” ang sinabi ni LLamas.

Naging maugong ang posibleng impeachment complaint laban kay VP Sara matapos na matapang na ihayag nito na kumontak na di umano siya ‘assassin’ para patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Romualdez kapag may nangyari umanong masama sa kaniya.

Subalit hindi nagtagal ay sinabi ni VP Sara na ang kanyang mga naging pahayag ay hindi isang aktibong pagbabanta maliban na lamang kung mayroong isang tao na magsasagawa ng planong patayin siya.

Nauna rito, kinumpirma ni Party-list lawmaker France Castro na nagda-draft na ng impeachment complaint ang makakaliwang grupo na Bayan laban kay VP Sara, inakusahan ito ng ‘bribery, betrayal of public trust at iba pang high crimes.’

Itinanggi ni VP Sara ang maling paggamit ng kanyang confidential funds at inakusahan ang Unang Ginang ng korapsyon.

Sa isang panayam sinabi ni Llamas na may narinig siyang usap-usapan na di umano’y 2 impeachment complaints ang maaaring isama laban kay VP Sara ngayong Disyembre.

Aniya may sapat na panahon para maghain ng impeachment complaint ngayong buwan, kung matatandaan si dating Chief Justice Renato Corona ay na-impeached ng buwan ng Disyembre.

Winika ni Llamas na ang numero na nagpatalsik kay Corona ay mula sa 9 sa simula ng impeachment trial sa Senado hanggang sa 20 na sa oras na siya ay tinanggal.

“Depende ‘yan sa magiging proseso. Makikita ba nila ‘yung articles of impeachment na tingin nila ay pabor para sa kanila as well as sa bansa? What’s in it for them? ‘Yung mga senador, 23 republics ‘yan…May ibat-ibang mga batayan ‘yan,”ang sinabi ni LLamas.

“Posibleng walang numero sa Senado pero pwedeng sa proseso ng trial pwedeng makuha ‘yung numero.”aniya pa rin.

Binigyang diin pa rin ni LLamas ang peligrong dala ng impeachment trial, kabilang na ang posibleng bigwas sa liderato ni Pangulong Marcos.

“Kung magsu-survive ‘yung nag-threaten sa Presidente ng assassination, sa kanyang asawa at sa kanyang pinsan, at ‘yung tatay ay nagko-call na pabagsakin siya sa isang mutiny, kung magsu-survive ‘yung mga nagti-threaten sa kanya, baka magmukha siyang weak leader at baka maging lame duck siya kahit 3 years bago matapos ang kanyang term,” ani LLamas.

“Kung sakaling mag-survive si Sara, magkakaroon siya momentum dahil ‘yung ibang politiko na umalis sa kanila, baka magsimulang bumalik dahil ang tingin nila, umatras ‘yung presidente at lumakas ang VP dahil nag-survive…’Yung mga Duterte gaganti ito. There will be hell to pay.”ang pahayag nito. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here