MANILA, Philippines- Inilahad ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules na wala itong nahanap na records para kay “Kokoy Villamin”, isang kahina-hinalang pangalan na lumabas umano sa mga resibong isinumite ng opisina ni Vice President Sara Duterte upang ipaliwanag ang confidential funds nito.
Nauna nang sinabi ng isang mambabatas na ang pangalang “Kokoy Villamin” ay nasa ilang acknowledgment receipts noong 2022 at 2023, subalit may magkakaibang handwriting at mga pirma.
“Tininginan po namin, naghintay po kami ng request dito. But wala po kaming nakitang record din pertaining to that person,” pahayag ni PSA Assistant National Statistician Marizza Grande.
“Negative po yun sa verification namin,” aniya sa isang panayam.
Sinabi naman ni Grande na posibleng palayaw lamang ang “Kokoy.” Subalit, binanggit din niyang buong pangalan ang dapat gamitin sa mga opisyal na dokumento.
Nitong Martes, inihayag ng PSA na wala itong nahanap na birth, marriage, o death records para kay “Mary Grace Piattos”, isa pang pangalang lumabas sa resibong isinumite umano ng OVP sa Commission on Audit upang ipaliwanag ang 2022 confidential expenses nito. RNT/SA