MANILA, Philippines – IGINIIT ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na hindi lamang para sa mga kawani ng Manila Cityhall ang mga pabahay na kanilang pinapasinayaan kasabay ng pagtitiyak nito na magkakaroon din ng pagkakataon na magkaroon ng sariling unit ang mga kwalipikadong Manilenyo.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Lacuna kasabay ng pagpapasinaya sa katatapos pa lang na San Sebastian Residences sa Plaza Del Carmen St. sa Quiapo, Maynila, Huwebes ng umaga kung saan kasama ng alkalde sina Vice Mayor Yul Servo Nieto, 3rd District Congressman Joel Chua, at mga konsehal na sina Kon. Fa Fugoso, Kon. Maile Atienza, at Kon. Jong Isip pati ang ilang mga punong barangay sa ikatlong distrito tulad ni Ch. Karen Alibarbar, Ch. Jeff Lau, at iba pa.
Sinabi ni Mayor Lacuna na pinagsikapan nilang tapusin ang condominium upang magkaroon ng dignidad, hindi lang ang mga kuwalipikadong kawani na titira rito, kundi sa sinumang kuwalipikadong Manileño na mapagkakalooban ng certificate of award upang magkaroon ng maayos at permanenteng tirahan na kalaunan ay magiging sarili na nilang pag-aari.
Tulad ng Pedro Gil Residences na pinasinayaan nito lamang Martes, may 20-palapag din ang San Sebastian Residences na may 243 units na may sukat na halos 40sq.meters, 57 parking slots, health center, police sub-station, admin office, lobby. swimming pool, function room at fitness center.
“Ang ganda ng lugar. Malapit sa lahat. Napakamakasaysayang lugar, malapit sa lahat, tapat lang ng San Sebastian Church, malapit sa Quiapo Church, sa mall, sa city hall, sa university belt area, palengke,” ani Lacuna.







