MANILA, Philippines – Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Lunes na 38 lugar sa Luzon ang binaha dahil sa mga pag-ulan na dala ng Bagyong Bising at Southwest Monsoon o Habagat.
Sinabi ni OCD officer-in-charge Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na wala pang naiulat na nasawi o nawawala sa ngayon.
“No major incident. No major floodings in a way as compared to ‘yung mga previous bagyo natin, yung ‘KLMNOP,” ayon kay Alejandro. Ang tinutukoy niya ay ang magkakasunod na tropical cyclone na tumama sa bansa noong 2024—Kristine, Leon, Marce, Nila, Ofel, at Pepito.
“So very minor pa lang ang epekto nito. Parang practice lang,” dagdag niya.
Binabantayan din ng OCD ang sitwasyon sa Pangasinan dahil maaring umapaw ang Agno River at magdulot ng pagbaha sa mga kalapit na lugar. Ayon pa kay Alejandro, nakapagbigay na sila ng tulong sa 235 pamilya sa Narvacan, Ilocus Sur.
Si Bising (international name: Danas) ay inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga, ayon sa PAGASA.
Gayunpaman, panapalakas ni Bising ang Habagat na magdadala ng mga pag-ulan.
Alas-4 ng madaling araw, ang sentro ni Bising ay nasa layong 405 kilometro hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes. Taglay ng bagyo ang maximum sustained winds na 130 km/h malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 180 km/h at central pressure na 970 hpa. RNT/MND