MANILA, Philippines – Bumaba ang bilang ng mga unemployed Filipino sa 2.03 milyon noong Mayo mula sa 2.06 milyon noong Abril, sinabi ng Philippine Statistics Authority nitong Martes, Hulyo 8.
Sa pinakabagong Labor Force Survey, sinabi ni PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa na ang unemployment rate ay bumaba sa 3.9% noong Mayo 2025 mula sa 4.1% na naitala noong Abril 2025 at Mayo 2024.
“Ang unemployment rate ay naitala sa 3.9% or 39 sa kada 1,000 na individual na nasa labor force ang walang trabaho o negosyo nitong Mayo 2025,” sinabi ni Mapa sa isang briefing.
Samantala, ang bilang ng underemployed Filipinos ay bumaba rin sa 6.60 million o 13.1% noong Mayo mula sa 7.09 million o 14.6% na naitala noong Abril.
Ayon sa PSA, 52.32 milyong indibidwal 15-anyos at pataas ang employed noong Mayo 2025.
Mas mataas ito sa 50.74 million na naitala noong Abril 2025 at 50.97 million na naitala noong Mayo 2024.
Ang survey ay isinagawa mula Mayo 8 hanggang Mayo 28 na may kabuuang 11,083 household sample. RNT/JGC