NEGROS OCCIDENTAL — Hindi na aakyat pa ng entablado ang isang aeronautical graduating student matapos lumipad ang minamaneho nitong motorsiklo at sumalpok sa kasunod na kotse kahapon sa bayan ng Pulupandan.
Kinilala ang nasawi na residente ng Barangay Zone 7, Pulupandan, aeronautics student sa Maynila at nagbabakasyon lamang sa kanilang bayan.
Batay sa report ng Pulupandan Municipal Police Station, bandang 3:38 a.m. ng Hulyo 8, naganap ang insidente sa Barangay Mabini ng naturang bayan.
Ayon kay Police Major Edfel Balibadlan, hepe ng Pulupandan PNP, kasama ni Colindres ang dalawa niyang kaibigan na pawang mga nakamotorsiklo.
Dito, nag-overtake umano ang dalawang kaibigan ni Colindres sa isang Hyundai Accent na minamaneho ni Glenn Nermal, 34-anyos.
Naiwan si Colindres at sinubukan nitong makahabol sa mga kaibigan, subalit bumangga siya sa likuran ng sasakyan.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima, na agad namang dinala sa Valladolid District Hospital si Colindres, ngunit idineklara na itong patay ng umatending doktor.
Sa pahayag ng mga saksi, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo ng biktima. / Mary Anne Sapico