Muling nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga shipowners at manning agencies na may barkong tumatawid ng Red Sea at Gulf of Aden na mag-divert o huwag mag-deploy ng Filipino seafarers.
Ginawa ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang panawagan sa gitna ng tumataas na pag-atake ng mga armadong grupo sa dalawang high-risk areas.
Sinabi ni Cacdac na hindi na papayagan ang mga Filipino seafarers na sumakay sa MV Magic Seas at MV Eternity C kasunod ng magkasunod na pag-atake sa dalawang barko ng Houthi rebels noong Linggo at Lunes.
“The Magic Seas and Eternity C, prohibited na, absolute na ang prohibition sa principal to board a Filipino seafarer sa barko nilang dadaan ng Red Sea and Gulf of Aden. Huwag nyo na isali please ang mga Pilipino sa Gulf of Aden at Red Sea where definitely we are now seeing another spate or rush of attacks from the Houthis,” ani Cacdac.
“The risk has returned as recurrent. And please, please avoid the Red Sea. And if you do want to pass through the Red Sea, do not board Filipino seafarers on your ship,” dagdag pa niya.
Nasa 17 Filipino seafarers at dalawang iba pang crew members ang kinailangang abandonahin ang barko at nailigtas ng nagdaang container ship Safeen Prism nang bombahin ang MV Magic Seas habang dumadaan sa Red Sea malapit sa Hodeida, Yemen.
Ayon kay Cacdac, sila ay nasa ligtas na kalagayan at babalik na ng Pilipinas matapos makaligtas sa pag-atake.
Samantala, noong Lunes ay inatake rin ang Eternity C ng Houthi rebels lulan ang 22 crew — 21 Filipino at isang Russian — gamit ang sea drones at skiffs.
Sa international media, iniulat na apat na crew ang nasawi.
Patuloy namang bineberipika ng DMW ang ulat at kung may kasamang Filipino seafarers.
Pinaalalahanan ng DMW ang mga shipowners at manning agencies na sa ilalim ng Department Order No. 1 na inisyu noong Marso 2024, dapat iulat ang planong ruta o daan sa pamamagitan ng Red Sea at Gulf of Aden at tiyakin na ang mga Filipino crew ay fully informed sa maaaring peligro.
Binigyang-diin din ni Cacdac na ang mga Filipino seafarers ay may karapatang tumanggi na maglayag sa “warlike zones” nang walang pangambang mawalan ng trabaho.
Sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan na ang DMW sa mga pamilya ng mga Filipino seafarers. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)