BACOLOD CITY — Hinihinalang isang drug courier ang 11-anyos na batang lalaki matapos makuhanan ng P34,000.00 halaga ng shabu na inilaglag nito sa kalsada sa lungsod na ito.
Ayon kay Police Captain Dax Santillan ng Bacolod City Police Station 7, itinurn-over sa kanila ng mga opisyal ng barangay ang suspek na taga-Barangay Singcang Airport, subalit napadpad ito sa Abada Escay, Barangay Vista Alegre ng naturang lungsod.
Kuwento ng barangay kagawad na si Elizde Bernardino, napansin nila ang batang lalaki na kahina-hinala ang ikinikilos nito dahilan para kanila itong nilapitan.
Dito, bigla na lamang inihulog ng bata ang 11 pakete na naglalaman ng shabu na aabot sa halagang P34,000.00.
Habang isinasailalim sa imbestigasyon, sinabi ng bata na dadalaw siya sa kanyang kamag-anak sa nasabing lugar at aksidenteng napulot sa basurahan ang mga pakete ng shabu.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad para malaman kung saan nakuha ng suspek ang mga shabu./ Mary Anne Sapico