PANGASINAN – Mistulang manok na kinatay ang isang lola matapos itong gilitan sa leeg at pagsasaksakin sa iba’t ibang parte ng katawan ng sarili nitong apo na sinasabing mentally-challenged, saka naman nagpakamatay ang suspek, iniulat kahapon sa bayan ng Malasiqui.
Kinilala ang biktimang si Lola Soledad, 80-anyos, habang ang suspek na apo nito ay hindi na pinangalanan at nasa wastong gulang, kapwa residente ng Barangay Alacan, Malasiqui.
Batay sa ulat ng Malasiqui Police Station, bandang 1:00 PM noong Hulyo 7, 2025, naganap ang krimen sa loob ng tahanan ng mag-lola sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nadiskubre ng mga kaanak ng mga biktima ang bangkay ni Soledad na naliligo sa sariling dugo habang hawak-hawak ng suspek ang patalim.
Mabilis namang tumakas ang suspek subalit kalaunan ay natunton din ito ng mga awtoridad, subalit nagsaksak ito sa leeg.
Agad namang dinala sa ospital ang mag-lola para lapatan ng lunas subalit idineklara na ring patay ang mga ito ng umatending doktor.
Kuwento ng kaanak, bago ang krimen ay napapansin na nila ang kakaibang ikinikilos ng suspek na tila nawawala na ito sa katinuan.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang nasabing krimen.