Home METRO 11-anyos na nahulog sa ilog sa kasagsagan ng malakas na ulan sa...

11-anyos na nahulog sa ilog sa kasagsagan ng malakas na ulan sa Caloocan ‘di pa rin nakikita

342
0

MANILA, Philippines – HINDI pa rin natatagpuan ang katawan ng 11-taong gulang na batang lalaki na iniulat na nalunod sa ilog sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa Caloocan City, Sabado ng hapon.

Sa direktiba ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, hindi naman tumitigil ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) sa paghahanap sa biktima hangga’t hindi nila natatagpuan ang katawan ng bata.

Sa nakarating na ulat sa tanggapan ng alkalde, nadulas at nahulog ang 11-anyos na bata na nakasuot ng asul na t-shirt at asul na short sa Creek Side na malapit sa NHC Elementary School sa Brgy. 186 sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.

Kaagad na pinakilos ng alkalde ang CDRRMD upang magsagawa ng search, rescue, at retrieval operation kasabay ng paggamit ng dalawang drone upang maging mapabilis at mapalawak ang kanilang paghahanap.

Gayunman, naging pahirapan ang paghahanap ng mga awtoridad, kasama na ang Philippine Coast Guard (PCG) at Barangay Rescue, bunga ng pabugso-bugsong pagbuhos ng malalakas na ulan na dahilan upang mag-zero visibility sa ilog.

Tiniyak naman ng CDRRMD na hindi sila titigil sa paghahanap sa katawan ng bata hangga’t hindi nila ito nakikita. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here