Home NATIONWIDE P34M tobats, P28M puslit na yosi, iligal na armas, nasabat sa Calabarzon...

P34M tobats, P28M puslit na yosi, iligal na armas, nasabat sa Calabarzon ops

188
0

CALABARZON – Nasa humigit-kumulang ₱34,930,379.50 ang kabuuang halaga ng mga ilegal na droga at smuggled na sigarilyo ang nakumpiska ng pulisya sa serye ng operasyon sa buong rehiyon, ayon kay PBGen. Jack L. Wanky, Regional Director ng PRO4 Calabarzon.

Sa datos ng PRO4A, nakumpiska ang 5,109.05 gramo ng shabu at 1,223 gramo ng marijuana, kung saan Cavite ang may pinakamalaking bilang ng drogang narekober. Bukod dito, nasabat din sa Cavite ang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng ₱28 milyon, kung saan naaresto ang dalawang suspek—isang Chinese national at Indian national.

Ipinrisinta rin ni PBGen. Wanky sa mga mamamahayag ang mahigit 180 piraso ng iba’t ibang uri ng loose firearms, kabilang ang mga boluntaryong isinuko, sa ginanap na pagtitipon sa Multi-Purpose Hall ng Camp BGen. Vicente Lim, Calamba City, Laguna.

Dagdag pa rito, mula Hunyo 19 hanggang Hulyo 18, 2025, umabot sa 84% ang Crime Clearance Efficiency ng rehiyon para sa walong focused crimes kabilang ang homicide, murder, robbery, physical injury, theft, motornapping, rape at carnapping—patunay ng mabilis na aksyon ng kapulisan simula nang manungkulan si PBGen. Wanky bilang Regional Director.

Kasabay nito, pinaigting ang kampanya laban sa ilegal na droga, kung saan ₱34.9 milyon halaga ng droga ang nakumpiska at 5,536 katao na pawang mga drug personalities ang naaresto at sinampahan ng kaukulang kaso.

Sa anti-criminality drive, naaresto rin ang 307 katao na kabilang sa Most Wanted Persons, 655 other wanted persons sa municipal at national level, at 1,521 katao laban sa ilegal na sugal.

Isa ring pangunahing tagumpay ng PRO4A ang pagkakalutas sa naganap na ₱2.4 milyong bank robbery sa Batangas nitong Hulyo 12, kung saan naaresto ang suspek na isang security guard. Narekober mula sa kanya ang isang kulay asul na backpack na naglalaman ng ₱1,201,260.00.

Kaagad ding sinampahan ng kasong administratibo at kriminal ang isang pulis na umano’y nanakot at namaril ng isang sibilyan.

Mariing kinondena ni PBGen. Wanky ang pagkalat ng maling impormasyon o fake news hinggil sa natagpuang bangkay ng isang Chinese national sa Kawit, Cavite. Aniya, ang insidente ay tatlong taon na ang nakalilipas at naresolba na.

“Ang lahat ng ito ay bunga ng sama-samang pagtutulungan ng ating kapulisan, katuwang ang iba’t ibang ahensya at ang tiwala ng ating mga kababayan. Magpapatuloy ang PRO Calabarzon sa pagsisilbi ng buong husay at asahan ninyo ang agaran naming pagtugon sa inyong mga report at assistance sa pamamagitan ng ating 911 Emergency Hotline,” pahayag ni PBGen. Wanky.(Margie Bautista/Ellen Apostol)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here