Home NATIONWIDE SEC nabahala sa pagdami ng job offer scams sa messaging apps

SEC nabahala sa pagdami ng job offer scams sa messaging apps

258
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa publiko, partikular sa mga naghahanap ng trabaho, kaugnay sa lumalaganap na job offer scams sa mga messaging app tulad ng Viber, Messenger, at Telegram.

Sa pinakahuling abiso ng Enforcement and Investor Protection Department (EIPD) ng SEC, sinabi nitong nakababahala na ang dami ng natatanggap nilang ulat kaugnay sa ganitong uri ng panloloko.

Tinukoy ng SEC ang modus na “tasking and recharging scheme,” kung saan aalukin ng scammers ang kanilang biktima na gumawa ng simpleng online tasks tulad ng pag-order, pag-sort, at pag-click ng items sa isang umano’y e-commerce platform.

Ngunit para magawa ang tasks, kinakailangan munang magdeposito ng maliit na halaga sa isang kahina-hinalang website. Kapalit daw nito ang bayad sa mga task. Kapag nabayaran ang una, uudyukan ang biktima na magdeposito pa ng mas malaking halaga para sa mas malaki raw na kita.

Halimbawa, kailangang magdeposito ng P500 para sa task na babayaran ng P1,000. Kapag nabayaran ito, bibigyan naman ang biktima ng alok na task na nagkakahalaga ng P10,000—ngunit kailangan munang magdeposito ng P5,000.

Patuloy ang ganitong pattern hanggang sa lumaki nang lumaki ang naideposito ng biktima. Sa huli, hihingan pa ng karagdagang bayad para ma-withdraw ang kinita, at saka na mawawala ang operator ng scam.

“Huwag pong paloloko. Kung may natanggap kayong kahina-hinalang job offer na may bayad o deposito, agad pong i-report ito sa [email protected],” panawagan ng SEC-EIPD. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here