MAY nasilayang pag-asa mula sa Malacañang nang tuligsain ni Pangulong Ferdinand Marcos ang hindi magandang epekto ng online gambling sa mga pamilyang Pilipino. “Maraming pamilya ang nasisira rito, lalo na kung hindi responsable ang pagkakagamit nito,” sabi niya.
Umaasa ang kolum na ito na hindi lang pabalat-bunga ang pahayag na ito.
Naging runaway horse na ang online gambling sa bansa dahil todong binuksan ng gobyerno ang pintuan ng kwadra. Ang siste, maging ang mga bata ay nalantad sa ads sa pagtaya at sa pagda-download ng app para rito.
Pinalalabas na ang mga ito ay larong pampamilya at ineendorso ng mga sikat na artista at personalidad na bumibida sa naglalakihang billboards. Maraming kuwento ng araw ng suweldo kung saan naglalahong parang bula ang ilang araw na pinagpaguran, inilulubog sa utang ang mga pamilya sa magdamagang pagkakababad sa liwanag ng screens ng kani-kanilang smartphone.
Totoong karapat-dapat lang itong pagtuunan ng atensyon ng Presidente — hindi lamang ito “basta” usapin ng moralidad, kundi isang national emergency. Ilantad natin ang katotohanan sa mga nangyayari at kung bakit isa itong problemang mas malala pa kaysa nireresolba ng pagtawag sa 9-11 kay PNP Chief Nicolas Torre III.
Hindi masosolusyunan ang online gambling ng ilang big-time raids, gaya ng ginagawa sa mga pasugalan. Alam naman ng marami na palabas lang at epektibo lang sa pagpuksa sa nasabing bisyo sa loob ng ilang linggo o buwan.
Ngayon, malawakan at mistulang may sistema na ang pagsusugal: iligal, digital, may prangkisa, ginagawa sa ibang bansa, at pinapahintulutan ng publiko. Hindi na sapat ang sawatain ang maliliit na operators kung ang lehitimong paraan sa pagsimot sa perang pinaghirapang kitain ng mga Pilipino ay kontrolado, binubuwisan, at ipinagtatanggol ng mismong mga ahensya ng gobyerno.
Tingnan na lang natin si Finance Secretary Ralph Recto. Habang nasisira ang mga pamilya at lumalala ang pagkalulong ng ilan sa sugal, abala naman siya sa “pag-aaral” ng mga pagpipilian, gaya ng stock listings at tax schemes — na parang ang pangunahing layunin ay pagkakitaan ang nakapipinsala, sa halip na ipatigil ito. Umaalingasaw ang pagbibigay-katwiran at pangungunsinti, hindi pagbibigay-proteksyon.
Tara, pustahan tayo: Gagawin nga kaya ni Marcos ang sinabi niya? O baka isa lang itong pre-SONA soundbite para payapain ang isang bansang dinudugo na mula sa mga bisyong suportado pa mismo ng gobyerno?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






