MANILA, Philippines – Binigyang-diin ng bagong ordained na si Bishop Glenn Corsiga, D.D ng Diocese of Ipil sa Zamboanga nitong Lunes, Agosto 4 ang pangangailangan ng pagtutulungan ng ibat-ibang relihiyon at ng pamahalaan upang makamit ang kapayapaan at pagkakasndo sa mga lugar na may tunggalian.
Naordinahan si Corsiga, 60, kamakailan sa nasabing lalawigan bilang bagong Obispo ng Ipil at pormal na iluluklok ng Apostolic Nuncio, His Excellency Archbishop Charles Brown , D.D., sa Agosto 14.
Sinabi ni Corsiga sa Philippine News Agency na handa siyang harapin ang hamon na tugunan ang kapayapaan at pagkakasundo sa mga ‘conflict areas’ ngunit hindi niya ito magagawa nang mag-isa.
Umaasa si Corsiga na maitatatag muli ang isang grupo ng mga lider ng relihiyon na magpapaunlad ng mas mabuting ugnayan, pag-uusap at pagkakaunawaan sa mga komunidad.
Dalawang pangunahing tungkulin ang natanggap ni Corsiga mula sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa isang plenary assembly sa Bohol – kinatawan ng Western Mindanao Area sa Permanent Council at archdiocesan coordinator, kasama ang isang layko, sa pagpapatupad ng synodality.
Pinasalamatan din niya si Dumaguete Bishop Julito Cortes na gumanap ng mahalagang papel sa kanyang paglilingkod bilang pari.
Si Corsiga ang huling hinirang ni Pope Francis sa Pilipinas noong Abril 14, bago namatay ang Papa makalipas ang pitong araw.
Naordinahan siya noong Disyembre 14, 1993 sa Diocese ng Dumaguete at naging kura paroko ng parokya ng St. Augustine ng Hippo sa Bacong, Negros Oriental hanggang sa kanyang pagkakatalaga bilang Obispo ng Ipil. Jocelyn Tabangcura-Domenden