MANILA, Philippines – Bumaba na lamang sa 18 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa bansa, habang patuloy namang binabantayan ang mga kaso ng dengue, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado, Agosto 23.
“Bagama’t maaari pa magbago ang bilang na ito sa patuloy na pagkuha ng datos, malaki na ang kaibahan nito kumpara sa naitalang 1,112 na kaso isang linggo matapos na maramdaman ang epekto ng bagyong Crising, Dante, at Emong partikular mula August 3 hanggang August 9,” ayon sa DOH.
Mula Hunyo 8, isang linggo matapos ideklara ang pagsisimula ng tag-ulan, hanggang Agosto 21, nasa kabuuang 4,436 na kaso ng leptospirosis ang naitala sa bansa.
Ayon sa DOH, nakaalerto pa rin ang mga ospital nito laban sa banta ng leptospirosis. Bumaba rin ang bilang ng mga na-admit na kaso, kabilang sa DOH-Tondo Medical Center na pito na lamang ang bagong pasyente nitong Agosto 21, mula sa dating pinakamataas na 68 admissions kada araw.
Sa National Kidney Transplant Institute, isa lamang ang bagong admission ngayong linggo, mas mababa kumpara sa dating pinakamataas na 25 kada araw. Wala namang naitalang bagong admission sa DOH-East Avenue Medical Center, mula sa dating pinakamataas na 21.
Nanatiling bukas ang leptospirosis fast lanes at handa ang bed capacity ng DOH hospitals, ayon sa ahensya.
Samantala, iniulat din ng DOH na nasa 15,161 ang dengue cases mula Hulyo 20 hanggang Agosto 2, 2025 — mas mataas ng dalawang porsyento kaysa sa 14,909 cases mula Hulyo 6 hanggang Hulyo 19, o isang linggo bago tumama ang mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
“Bahagya man ang pagtaas, nakaalerto pa rin ang DOH lalo pa’t inanunsyo ng PAGASA ang posibilidad ng pag-ulan sa mga darating na araw dulot ng Habagat at Tropical Depression Isang,” ayon sa ahensya.
Muling pinaalalahanan ng DOH ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran at siguraduhing tuyo at nakatakip ang mga maaaring pamugaran ng lamok. Bukas din ang dengue fast lanes sa mga DOH hospitals para sa agarang atensyon.
Hinimok din ang publiko na agad kumonsulta sa doktor kung makaranas ng sintomas gaya ng lagnat nang dalawang araw, rashes, pananakit ng katawan, kalamnan at mata, pagkahilo, at pagsusuka. RNT/JGC