VALENZUELA, Philippines – Swak sa kulungan ang siyam na ‘sugarol’, kabilang ang apat na drug suspects sa magkakahiwalay na operations sa Valenzuela City.
Sa ulat, dakong alas-4:00 ng hapon nang maaktuhan ng mga tauhan ng Karuhatan Police Patrol Base 9 ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Serrano St., Brgy., Maysan na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Nasamsam sa dalawa ang bet money, at tatlong peso coins ‘pangara’ habang ang isang plastic sachet ng umano’y shabu ay nakuha kay alyas “Nato”, 41.
Nauna rito, nadakip ng mga tauhan ng Patrol Base 2 ang tatlong kelot nang maaktuhan nagka-cara y cruz sa Rosario St., Brgy. Gen T De Leon alas-2:45 ng madaling araw at nakuha sa kanila ang bet money, tatlong peson coins ‘pangara’ at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakumpiska kay alyas “Jun”, 32.
Sa Brgy. Bagbaguin, huli din sa akto ng mga tauhan ng Patrol Base 8 ang dalawang lalaki na naglalaro umano ng sugal na ‘Dice’ sa gilid ng creek sa Sapa Street, alas-2:20 ng hapon at nasamsam sa kanilang ang bet money, isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Jeff”, 41.
Bandang alas-4:30 ng hapon nang maaresto naman ng mga tauhan ng Patrol Base 7 ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng ‘tong-its’ sa Blk 10 Bldg 10, Unit 211 Disiplina Village, Brgy. Bignay habang nakatakas ang isa pa.
Nakuha sa dalawang nadakip ang bet money at isang deck ng playing cards (baraha) habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nasamsam kay alyas “Mach”, 30.
Sinampahan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa PD 1602 at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 para sa apat na nakuhanan ng doga. Rene Manahan